Ang Attorney General’s Environmental Protection Division (EPD, Sangay para sa Pagprotekta ng Kapaligiran ng Punong Abogado) ay nagsisikap para protektahan ang mga taga-Washington at ang ating kapaligiran sa pagsasagawa ng apirmatibong paglilitis na sibil at kriminal sa ngalan ng estado sa ilalim ng hiwalay na awtoridad ng Punong Abogado. Isinapriyoridad ni Punong Abogado Ferguson ang pagprotekta sa kapaligiran sa kanyang administrasyon. Mula pa noong 2013, pinasimulan niya ang pag-usig sa mga krimeng pangkapaligiran na humantong sa mahigit 35 hatol ng krimen at halos $5 milyong multa, danyos, at utos sa pagbabayad-pinsala. Ang Environmental Protection Division ay nangangasiwa rin ng malakihang paglilitis na pambayan sa ilalim ng pang-estado at pederal na batas, na namumuntirya ng mga aktibidad na nagsasapanganib sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran. Sa mga demandang iyon, nakabawi ng mahigit $95 milyon na pantulong sa mga taga-Washington at sa kapaligiran, at pansuporta sa tuloy-tuloy na pagprotekta sa kapaligiran sa Attorney General’s Office (AGO, Tanggapan ng Punong Abogado).
Sa ilalim ng batas ng estado, nagtatalaga ang Punong Abogado ng isang Katuwang na Punong Abogado mula sa Environmental Protection Division upang maglingkod bilang Counsel for the Environment (CFE, Tagapayo para sa Kapaligiran), na kinatawan ng publiko at ng interes nito sa pagprotekta sa kapaligiran pagdating sa mga panukalang pagpapaunlad sa malalaking pasilidad na hindi gumagamit ng hydro energy sa Estado ng Washington.
Adbokasiyang Pangkapaligiran
Mga Pagsisikap ng Amicus
Mga Kaibigan ng Earth v. Haaland (U.S. Court of Appeals for the District of Columbia (Hukuman ng Pag-aapela ng U.S. para sa Distrito ng Columbia)) Pinangunahan ng Washington ang isang brief ng amicus para sa maraming estado na nangangatwirang kailangan ng National Environmental Policy Act (NEPA, Batas sa Pambansang Polisiyang Pangkapaligiran) ng masinsinang pagsusuri sa emisyon ng greenhouse gas para sa isang malakihang pagpapaupa at pagbebenta ng langis at gas.
Minnesota v. American Petroleum Institute, et al (U.S. Court of Appeals for the Eighth Circuit (Hukuman ng Pag-aapela ng U.S. para sa Ikawalong Sirkito)) Pinangunahan ng Washington ang isang brief ng amicus para sa maraming estado na nangangatwirang ang mga paghahabol ng batas ng estado na inihain ng isang estado sa hukuman ng estado laban sa mga producer ng fossil fuel at sa isang samahang pangkalakalan ay hindi maaaring ilipat ng mga nasasakdal sa Federal Court (Pederal na Hukuman).
Oceana v. Ross (U.S. District Court for the Central District of California (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Gitnang Distrito ng California)) Naghain ang Washington ng isang brief ng amicus bilang pansuporta sa isang demandang nanghahamon sa pagtanggi ng Administrasyong Trump na pagtibayin ang panukalang panuntunan ng Pacific Regional Fishery Council, na magtataguyod ng mahigpit na limit sa lamang-dagat na nanganganib nang maubos at hindi sinasadyang nahuhuli sa pangisdaan ng swordfish sa Pacific na gumagamit ng drift gillnet. Pabor ang hatol ng Hukuman sa brief ng Estado. Sa pag-aapela, pinagkalooban ang Estado ng katayuan bilang Inaapela at Tagapamagitan, at pagkatapos nito, binitiwan na ng pederal na pamahalaan ang apelang ito.
I-click ito para basahin ang mga brief.
The Wilderness Society, et al. v. Trump, et al.; Grand Staircase Escalante Partners, et al. v. Trump, et al. (U.S. District Court for the District of Columbia (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Distrito ng Columbia)) Pinangunahan ng Washington ang isang pagsisikap ng amicus para sa maraming estado bilang pansuporta sa isang demandang nanghahamon sa mga proklamasyon ni Pangulong Trump upang bawasan nang malaki ang sukat ng Grand Staircase-Escalante at Bears Ears National Monuments sa Utah. Pinanindigan ng Washington at ng 10 pang ibang estado na ang pagbawas sa monumento ay isang pagmamalabis sa awtoridad ng pangulo at taliwas sa layunin ng Antiquities Act (Batas sa mga Antigong Bagay) ng 1906, na nagtatalaga ng awtoridad sa Pangulo upang ingatan ang mga yamang arkeolohiko, pangkasaysayan, at pang-agham gaya ng mga pambansang monumento. Ikinatwiran din nila na nakasasama ang pagpapawalang-bisa ni Pangulong Trump sa ugnayan sa pagitan ng mga estado at pederal na pamahalaan hinggil sa pamamahala ng mga pederal na lupain sa loob ng mga hangganan ng mga estado.
I-click ito para basahin ang mga brief.
California v. Office of Natural Resource Revenue; California v. Bureau of Land Management (U.S. District Court for the Northern District of California (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Hilagang Distrito ng California)) Pinangunahan ng Washington ang isang pagsisikap ng amicus para sa maraming estado bilang pansuporta sa isang demandang nanghahamon sa ilegal na pagsisikap ng United States Department of Interior (Kagawaran ng Interyor ng Estados Unidos) na magpawalang-bisa ng dalawang panuntunan. Sangkot sa parehong kaso ang ilegal na paggamit sa Administrative Procedures Act (Batas sa mga Administratibong Pamamaraan) upang bawiin ang isang panuntunan kaugnay ng pagkuha ng uling sa pederal na lupain at ang isang panuntunang ipinalaganap upang bawasan ang pagpapalabas ng methane gas mula sa pagkuha ng langis at gas. Sa parehong kaso, tinanggalan ng hukuman ng bisa ang mga hinamong aksiyon.
Mga Liham ng Komento
Panukalang panuntunan ng Administrasyong Trump upang balewalain ang pagpapatupad sa National Environmental Policy Act (Marso 10, 2020) Pinangunahan ng Washington, kasama ng California, New York, at D.C., ang isang liham ng komento para sa maraming estado na pumupuna sa labag sa batas at hindi suportadong panukala ng Administrasyong Trump upang bawasan nang malaki ang mga proteksiyong pangkapaligiran sa pag-amyenda sa matagal nang umiiral na mga regulasyon ng National Environmental Policy Act (NEPA, Batas sa Pambansang Polisiyang Pangkapaligiran). Ang NEPA ay isang pundasyong batas na pangkapaligiran na nagtitiyak na gumagawa ng mahuhusay na pasya ang mga pederal na ahensiya batay sa input mula sa publiko at maingat na pagsasaalang-alang ng mga epekto sa kalusugan ng publiko at sa kapaligiran.
I-click ito para basahin ang liham.
Oil and Gas Leasing Program (Programa sa Pagpapaupa ng Langis at Gas) ng Bureau of Land Management (BLM, Kawanihan ng Pamamahala ng Lupa) para sa Kapatagan sa Baybayin ng Arctic National Wildlife Refuge (Marso 13, 2019) Pinangunahan ng Washington ang isang koalisyon para sa maraming estado na nagsusumite ng mga komento tungkol sa draft na Environmental Impact Statement (Pahayag ng Epekto sa Kapaligiran) para sa plano ng Administrasyong Trump na payagan ang pag-develop ng langis at gas sa kapatagan sa baybayin ng Arctic National Wildlife Refuge.
I-click ito para basahin ang liham.
Panukala ng EPA na Pahinain ang Tungkulin ng mga Estado sa mga Sertipikasyon sa Seksiyon 401 ng Clean Water Act (Oktubre 21, 2019) Pinangunahan ng Washington ang isang koalisyon ng 22 estado na nagsusumite ng mga komento tungkol sa mga panukalang panuntunan ng Environmental Protection Agency (EPA, Ahensiyang Tagapagprotekta ng Kapaligiran) na nagpapahina sa tungkuling itinatalaga ng Clean Water Act (Batas sa Malinis na Tubig) sa mga estado upang tulungan silang protektahan ang kanilang katubigan.
I-click ito para basahin ang liham.
Pagprotekta sa Kapaligiran ng Washington
Mga Representanteng Kaso
Washington v. Crown Resources (U.S. District Court for the Eastern District of Washington (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Silangang Distrito ng Washington)) Noong Mayo 7, 2020, idinemanda ng Washington ang dalawang kompanyang nagmimina ng ginto para sa paglabag sa Clean Water Act (Batas sa Malinis na Tubig) at sa pagpapakawala ng ilegal na antas ng pollutant sa mga sapa sa Okanogan County na dumaloy sa Kettle River. Pinanindigan sa kaso na paulit-ulit na nilabag ng mga kompanya ang Clean Water Act at ang Washington Water Pollution Control Act (Batas sa Pagkontrol ng Polusyon sa Tubig ng Washington) sa loob ng anim na taon, at wala silang gaanong ginawa upang sundin ang kanilang permiso para sa kalidad ng tubig at kontrolin ang polusyon mula sa minahan. Nagpakawala ang minahan ng mga contaminant na may kasamang arsenic at lead sa mga kalapit na daluyan ng tubig. Mapaminsala ang mga contaminant na ito sa mga tao, ecosystem ng tubig, at species ng isda tulad ng trout. Tinanggihan ng hukuman ang mosyong ipawalang-bisa ang kaso ng mga kompanyang nagmimina ng ginto, at napagkasunduan na may pananagutan ang Crown Resources para sa mahigit 3,000 buwanang paglabag sa permiso nito para sa malinis na tubig. Nananatiling nakabinbin ang usaping ito sa pederal na hukuman habang pinag-iisipang muli ng pederal na pamahalaan ang mga kilos nito. Para sa iba pang impormasyon, i-click ito.
Washington et al. v. Bernhardt (U.S. District Court for the District of Alaska (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Distrito ng Alaska)) Noong Setyembre 9, 2020, pinangunahan ng Washington ang isang koalisyon ng 15 estado upang hamunin ang pagbukas ng pederal na pamahalaan sa Coastal Plain of the Arctic National Wildlife Refuge para sa paghuhukay ng langis at gas. Ang Coastal Plain ay isang yaman ng bansa na may 1.6 milyong akre, na may biyolohikal na kabuluhang walang kapantay para sa daan-daang species, gaya ng caribou, nanganganib na polar bear, at milyon-milyong ibon na nagpapalipat-lipat mula sa anim na kontinente at dumadaan sa 48 estado. Sagrado ang lugar para sa mga katutubong taong Gwich’in at madali itong maapektuhan ng mga stressor sa kapaligiran, gaya ng climate change, na nagsanhi ng pagnipis ng yelo sa dagat at pagtunaw ng permafrost sa rehiyon. Pinaninindigan sa demanda na maraming batas ang nilalabag ng planong paghuhukay, kasama na ang Administrative Procedure Act (APA, Batas sa Pamamaraang Administratibo), National Environmental Policy Act (NEPA, Batas sa Pambansang Polisiyang Pangkapaligiran), National Wildlife Refuge System Administration Act (Refuge Administration Act, Batas sa Pangangasiwa sa Sistema ng Silungan ng Ligaw na Buhay), Alaska National Interest Lands Conservation Act (ANILCA, Batas sa Pagkonserba ng mga Lupaing nasa Pambansang Interes ng Alaska), at Tax Cuts and Jobs Act ng 2017 (Tax Act, Batas sa Pagbawas ng Buwis at mga Trabaho). Mula sa marami nitong paglabag sa batas, nagsagawa ang administrasyon ng hindi wastong pagsusuri sa kapaligiran na nabigong tingnan nang mabuti ang mga epekto ng planong paghuhukay sa mga ibong nagpapalipat-lipat, emisyon ng greenhouse gas, at pagbabago ng klima. Nananatiling nakabinbin ang kaso sa pederal na hukuman habang pinag-iisipang muli ng pederal na pamahalaan ang mga kilos nito. Para sa iba pang impormasyon, i-click ito.
Washington et al. v. Council on Environmental Quality (U.S. District Court for the Northern District of California (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Hilagang Distrito ng California)) Pinangunahan ng Washington at ng California ang isang koalisyon ng 27 estado, komonwelt, teritoryo, county, at lungsod na nanghahamon sa mga bagong panuntunan ng pederal na pamahalaan na namamahala sa National Environmental Policy Act (NEPA, Batas sa Pambansang Polisiyang Pangkapaligiran). Sa mga panuntunan, inaalis o binabawasan ang pangangailangang siyasatin ang kapaligiran para sa maraming pangunahing pederal na pagpapasya, at mapaminsala ito sa pinakamahihinang komunidad ng Washington. Ikinakatwiran sa demanda na labag sa batas ang pag-abandona ng mga bagong regulasyon sa mga prinsipyo ng mahusay na pagpapasya, pananagutan ng publiko, at pagprotekta sa kapaligiran, na lumalabag mismo sa NEPA at sa Administrative Procedure Act (Batas sa Pamamaraang Administratibo), na pumipigil sa mga pederal na ahensiya na magpatibay ng mga panuntunang labag sa batas o ginawa sa paraang paiba-iba o ayon sa sariling kagustuhan. Nakabinbin ang kaso sa pederal na hukuman habang ipinapawalang-bisa at pinapalitan ng pederal na pamahalaan ang panuntunan. Para sa iba pang impormasyon, i-click ito.
Washington v. Navy (U.S. District Court for the Western District of Washington (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Kanlurang Distrito ng Washington)) Idinemanda ng Washington ang U.S. Navy (Hukbong Pandagat ng U.S.) dahil sa pagpapalawig nito sa mga operasyon nito sa paliparan ng Growler sa Whidbey Island. Noong Marso 2019, inawtorisa ng Navy ang isang pagpapalawig sa programa nito ng Growler, na nagdagdag sa mga paglipad at paglapag ng Growler ng halos 100,000 kada taon sa loob ng susunod na 30 taon. Ang mga Growler ay sasakyang panghimpapawid na lumilipad nang mababa upang guluhin ang komunikasyon ng kalaban. Kasama sa rehimen ng pagsasanay ng sasakyang panghimpapawid na ito ang madadalas at maiingay na paglipad at paglapag. Pinaninindigan ng Attorney General’s Office (AGO, Tanggapan ng Punong Abogado) na ang proseso ng pagsusuri sa kapaligiran ng Navy para sa pagpapalawig ay lumabag sa batas nang nabigo itong sukatin ang mga epekto sa kalusugan ng publiko at ng ligaw na buhay sa mga komunidad sa at sa paligid ng Whidbey Island. Pabor sa Estado ang naging pasya ng hukuman na nilabag nga ng Navy ang National Environmental Policy Act (NEPA, Batas sa Pambansang Polisiyang Pangkapaligiran). Nakabinbin ang kaso sa pederal na hukuman para sa pagpapasya tungkol sa remedyo para sa paglabag. Para sa iba pang impormasyon, i-click ito.
Puget Soundkeeper Alliance, et al. v. The United States Department of the Navy, et al. (U.S. District Court for the Western District of Washington (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Kanlurang Distrito ng Washington)) Binigyan ang Washington ng katayuang Nagsasakdal at Tagapamagitan sa isang kaso sa ilalim ng Clean Water Act (Batas sa Malinis na Tubig), na naghahangad na hamunin ang kagawian ng U.S. Navy (Hukbong Pandagat ng U.S.) na pagkudkod sa kaha ng mga sasakyang hindi na ginagamit sa paraang nagpapalabas ng mga metal at iba pang contaminant sa Sinclair Inlet. Maaaring makapaminsala ang kontaminasyon sa mga buhay sa dagat sa itaas at sa ibaba ng food chain, gaya ng salmon at orca. Noong 2020, pumayag ang Navy sa isang Consent Decree (Kautusan sa Pagpapahintulot) na nagpapataw ng sampung taong moratoryum sa pagkudkod ng mga di-aktibong barko sa tubig sa lahat ng katubigan ng Washington, at nag-aatas sa Navy na gumawa ng makabuluhang aksiyong pangremedyo sa site. Bukod pa rito, pumayag ang Navy na sagutin ang mga bayarin ng abogado para sa Attorney General’s Office (AGO, Tanggapan ng Punong Abogado) at ng iba pang mga nagsasakdal. Para sa iba pang impormasyon, i-click ito.
Washington, et al. v. U.S. Department of the Interior (U.S. District Court for the District of Montana (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Distrito ng Montana)) Idinemanda ng Washington at ng tatlo pang ibang estado ang administrasyong Trump dahil sa isang programang nagpapaupa sa mga karapatan sa pagmimina ng uling sa pampublikong lupain, na malaki ang naiaambag sa trapiko sa tren ng uling sa estado ng Washington. Hinamon sa demanda ang desisyon ni Ryan Zinke, na Kalihim ng Interyor, na simulan ulit ang pederal na programa ng pagpapaupa sa uling nang hindi gumagawa ng suplemento o pinapalitan ang pag-aaral sa kapaligiran nito na mula pa noong nakaraang halos 40 taon. Pabor sa Estado ang naging pasya ng hukuman na hindi maayos na nakasunod ang Department of Interior (Kagawaran ng Interyor) sa National Environmental Policy Act (NEPA, Batas sa Pambansang Polisiyang Pangkapaligiran). Para sa iba pang impormasyon, i-click ito.
Washington v. Monsanto Corp. (King County Superior Court (Kataas-taasang Hukuman ng King County)) Ang Estado ng Washington ang unang estado sa bansa na naghain ng mga legal na paghahabol laban sa Monsanto Corporation para sa legacy na kontaminasyon mula sa paggawa, pagbebenta, paggamit, at pagtatapon ng polychlorinated biphenyls (PCBs). Hinihinala ng Washington na alam ng Monsanto ang mga panganib sa kapaligiran at sa kalusugan ng tao na hatid ng tuloy-tuloy nitong paggawa at pagbebenta ng PCBs, pati na ang pananatili ng mga ito sa kapaligiran, pero itinuloy pa rin ito ng Monsanto upang mapalaki ang kita nila. Noong Hunyo 24, 2020, pagkatapos ng mahigit tatlong taong paglilitis, inanunsyo ng Attorney General’s Office (AGO, Tanggapan ng Punong Abogado) na magbabayad ang Monsanto ng $95 milyon sa Washington upang maresolba ang demanda. Para sa mga detalye tungkol sa resolusyon, i-click ito. Para sa background ng kaso, i-click ito.
Washington v. Moniz (Perry) (U.S. District Court for the Eastern District of Washington (Pandistritong Hukuman ng U.S. para sa Silangang Distrito ng Washington)) Kasama ng Hanford Challenge, na isang organisasyong tagapagbantay sa mga karapatan ng mga manggagawa ng Hanford, at United Association of Plumbers and Steamfitters Local No. 598, idinemanda ng Washington ang Department of Energy (Kagawaran ng Enerhiya) dahil sa pagkakalantad ng mga manggagawa sa lubos na nakalalasong singaw ng tangke na nagmumula sa magkakahalong basurang nukleyar at kemikal na nakaimbak sa Hanford Nuclear Reservation. Hinala ng estado, ang kagawian ng Energy na hayaan lang na lumabas sa mga tangke ang mga hindi ginamot na singaw at madikit sa mga manggagawa ng Hanford ay nagdulot ng matindi at malaking panganib sa ilalim ng pederal na Resource and Conservation Recovery Act (RCRA, Batas sa Pagbawi ng Resource at Konserbasyon). Naareglo ang demanda nang pumayag ang Pederal na Pamahalaan na magsagawa ng matitinding pagpapabuti sa kaligtasan at teknolohiya, at sagutin ang mga legal na bayarin ng estado. Para sa iba pang impormasyon, i-click ito.
Washington, et al. v. Pruitt (9th Circuit Court of Appeals (Hukuman ng Pag-aapela ng Ika-9 na Sirkito) Ang Washington, kasama ng ilan pang ibang estado at maraming grupong pangkapaligiran, ay naghain ng demanda laban sa Environmental Protection Agency (EPA, Ahensiyang Tagapagprotekta ng Kapaligiran) dahil sa pagkabigo ng EPA na maayos na makontrol ang paggamit ng pestisidyong chlorpyrifos. Nangyari ang kawalang aksiyon ng EPA sa kabila ng resulta ng sarili nitong mga pagtatasa sa peligro na mapaminsala ang chlorpyrifos sa utak ng mga bata mula sa kahit na mababang antas lang ng paggamit nito sa mga pagkain at/o pagkakaroon nito sa mga supply ng tubig sa ilalim ng lupa. Sa ilalim ng Federal Food, Drug, and Cosmetic Act (Pederal na Batas sa Pagkain, Gamot, at Pampaganda), ikinatwiran ng Washington at ng iba pang mga nagpetisyong estado at organisasyon na hindi maaaring ipagpatuloy ng EPA ang mga umiiral na pagpapabaya sa chlorpyrifos nang may ganitong peligro. Nagpasya ang isang en banc na panel ng U.S. Court of Appeals for the Ninth Circuit nang pabor sa estado, at inatasan ang EPA na pagpasyahan ang mga petisyong nanghahamon sa kawalang aksiyon ng EPA. Nagbalik sa hukuman ang Washington at ang iba pang mga estado matapos itanggi ng EPA ang mga petisyon. Nakabinbin ang kaso sa Ninth Circuit Court of Appeals.
Tulong sa Pagsunod sa mga Batas na Pangkapaligiran
Hindi makapagbibigay ang Washington Attorney General’s Office (AGO, Tanggapan ng Punong Abogado ng Washington) ng legal na payo sa mga pribadong mamamayan. Gayunpaman, ang Washington Governor’s Office for Regulatory Innovation and Assistance (ORIA, Tanggapan para sa Panregulatoryong Inobasyon at Tulong ng Gobernador ng Washington) ay mayroong kaban ng impormasyon tungkol sa mga pamamaraan sa pagpermiso para sa kapaligiran. Maraming online na dulugan ang ORIA na may kasamang kuwestiyonaryo para sa proyekto upang madali nitong matukoy kung anong mga permiso, lisensiya, o pag-apruba ang kailangan para sa isang partikular na proyekto. Maaari ding magsagot ang ORIA ng mga partikular na tanong tungkol sa mga lisensiya, pag-apruba, at permiso sa Washington State (Estado ng Washington).
I-click ito upang pumunta sa webpage ng Pagpepermiso para sa Kapaligiran ng ORIA
Pag-site ng mga Pasilidad ng Enerhiya
Sino ang Counsel for the Environment?
Makipag-ugnayan sa CFE:
Bill Sherman
Tagapamuno ng Sangay, Sangay para sa Pagprotekta ng Kapaligiran
(206) 442-4485
bill.sherman@atg.wa.gov
Ang Attorney General's Counsel for the Environment (CFE, Tagapayo para sa Kapaligiran ng Punong Abogado) ay ang kinatawan ng publiko at ng interes nito sa pagprotekta sa kapaligiran sa panukalang pagpapaunlad sa malalaking pasilidad na hindi gumagamit ng hydro energy sa estado ng Washington. Ang mga pinag-uusapang proyekto ay nasa ilalim ng pagsusuri ng Energy Facility Site Evaluation Council (EFSEC, Konseho para sa Ebalwasyon ng Site ng Pasilidad ng Enerhiya) ng estado.
Sa ilalim ng batas ng estado, nagtatalaga ang Punong Abogado ng isang Katuwang na Punong Abogado bilang Tagapayo para sa Kapaligiran (CFE) kapag nakatanggap ang EFSEC ng aplikasyon sa site na susuriin. Hiwalay ang CFE sa:
- EFSEC;
- Iba pang ahensiya ng estado; at
- Mga partidong kasali sa panukala para sa aplikasyon sa site.
Ano ang ginagawa ng Counsel for the Environment?
Mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng Counsel for the Environment (CFE, Tagapayo para sa Kapaligiran) sa kabuuang pagsusuri ng proyekto. Kasama sa mga responsibilidad niya ang pangangalap ng input ng publiko, pagbibigay ng pangkalahatang impormasyon patungkol sa proseso ng Energy Facility Site Evaluation Council (EFSEC, Konseho para sa Ebalwasyon ng Site ng Pasilidad ng Enerhiya), pagtulong sa mga mamamayan na maipaalam ang mga alalahanin nila sa EFSEC, at paglahok sa proseso ng pagsusuri.
Aktibong tinatasa ng CFE ang mga epekto sa kapaligiran na posibleng mayroon ang isang proyekto sa lokal na komunidad at sa mga likas na yaman ng estado. Kapag may posibilidad na magresulta ang isang proyekto sa malalaking epekto sa kapaligiran, nagsusulong ang CFE ng mga hakbang na makapipigil at/o makababawas sa mga epekto na iyon. Kasama sa mga epekto sa kapaligiran na kadalasang nauugnay sa pag-site ng malaking pasilidad ng enerhiya ang:
- Kalidad ng Hangin
- Kalidad ng Tubig
- Pagiging available ng tubig
- Tirahan ng mga Isda at Ligaw na Buhay
- Pagkontrol sa Pagtining at Pagguho
- Mga Emisyon ng Greenhouse Gas
- Ingay
- Mga Epekto sa Kagandahan
Mga Representanteng Proyektong Sinuri
Tesoro Savage Petroleum Terminal LLC.Noong Agosto 29, 2013, nagsumite ang Tesoro Savage Petroleum Terminal LLC ng Application for Site Certification (Aplikasyon para sa Sertipikasyon ng Site) upang maitayo at mapatakbo ang Tesoro Savage Vancouver Energy Distribution Terminal (na Proyekto). Pangunahing kasama sa Proyekto ang pagtanggap at pansamantalang pag-iimbak ng hanggang sa average na 360,000 bariles ng krudong langis kada araw mula sa Midwest North America sa Port of Vancouver sa Clark County. Tatanggapin ang krudong langis sa pamamagitan ng riles, ididiskarga at pansamantalang iiimbak sa site, at pagkatapos ay ikakarga sa mga sasakyang pandagat, na pangunahing ihahatid sa mga refinery sa West Coast.
Ipinahayag ng Energy Facility Site Evaluation Council (EFSEC, Konseho para sa Ebalwasyon ng Site ng Pasilidad ng Enerhiya) na ang paglalabas sa publiko ng draft na Environmental Impact Statement (EIS, Pahayag ng Epekto sa Kapaligiran) alinsunod sa State Environmental Policy Act (SEPA, Batas sa Polisiyang Pangkapaligiran ng Estado) ay gaganapin sa Hulyo ng 2015. Inabisuhan ng EFSEC ang publiko noong inilabas ang draft na EIS. Sa minimum, magkakaroon ang publiko ng 30 araw upang suriin at komentuhan ang draft na EIS. Alinsunod sa proseso ng sertipikasyon ng EFSEC, kailangan din ng EFSEC na magsagawa ng mga pagdinig para sa pagpapasya tungkol sa panukalang proyekto. Makikita ang mga nakaiskedyul na petsa ng pagdinig at inihaing pangangatwiran sa: http://www.efsec.wa.gov/Tesoro-Savage.html.
Pag-usig sa Krimeng Pangkapaligiran
Pangkalahatang-ideya
Iniimbestigahan at inuusig ng Attorney General’s Environmental Protection Division (EPD, Sangay para sa Pagprotekta ng Kapaligiran ng Punong Abogado) ang malalalang paglabag sa batas na pangkapaligiran ng estado. Nakikipagtulungan kami sa U.S. Environmental Protection Agency (EPA, Ahensiyang Tagapagprotekta ng Kapaligiran ng U.S.), Department of Ecology (Kagawaran ng Ekolohiya), Department of Fish and Wildlife (Kagawaran ng Isda at Ligaw na Buhay), Department of Natural Resources (Kagawaran ng Likas na Yaman) ng estado, at sa iba pang mga pang-estado at pederal na ahensiya. Bukod pa rito, nakikipagtulungan din kami nang mabuti sa mga Tagapag-usig na Abogado ng county at sa United States Attorneys for the Western and Eastern Districts of Washington (Mga Abogado para sa mga Kanluran at Silangan na Distrito ng Washington ng Estados Unidos). Ginawa ni Punong Abogado Ferguson ang programa para sa mga krimeng pangkapaligiran noong 2013. Mula pa noong panahong iyon, nakapagpasimula ang aming tanggapan ng pag-usig sa mga krimeng pangkapaligiran na humantong sa mahigit 30 hatol ng krimen at halos $5 milyong multa, danyos, at utos sa pagbabayad-pinsala.
Pag-uulat ng mga Krimeng Pangkapaligiran
Tandaan: Ang form na ito ay may layuning magbigay-alam sa Attorney General's Office (AGO, Tanggapan ng Punong Abogado) tungkol sa mga posibleng krimeng pangkapaligiran ngunit hindi nito layuning magsilbing kapalit para sa pag-uulat ng mga tagas, tulo, o iba pang posibleng ilegal na aktibidad sa Washington Emergency Management Division (Sangay para sa Pangangasiwa ng Emergency ng Washington), National Response Center (Pambansang Sentro para sa Pagresponde), o sa mga lokal na tagaresponde sa emergency.
Upang mag-ulat ng tagas, tulo, o pagdiskarga, tumawag sa Washington's Emergency Management Division (Sangay para sa Pangangasiwa ng Emergency ng Washington) sa 1-800-258-5990.
Upang mag-ulat ng emergency, paki-dial kaagad ang 911.
Mga Representanteng Kaso
Electron Hydro LLC & Thom Fischer Nakakuha ang Washington ng mga guilty plea mula sa isang kompanya at sa mga tagapamuno nito na ilegal na naglagay ng takip na damo, na may mga piraso ng goma, sa Puyallup River habang ipinatutupad ang isang proyektong hydraulic. Pumayag ang mga nasasakdal sa isang rekomendasyon ng pagsentensiya na nag-aatas sa kanila na magbayad ng $1,000,000 bilang multa at utos sa pagbabayad-pinsala. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kasong ito, i-click ito.
Pacific Foundation/Columbia Pacific Construction/Nicholas Ackerill/Sierra Santa Fe Sa magkakahiwalay na kaso, nakakuha ang Washington ng mga guilty plea mula sa mga kompanya at sa isang indibidwal na ilegal na nagtanggal ng kagamitang pangkontrol sa mga emisyon ng diesel mula sa mga truck na itinuturing na paglabag sa Washington Clean Air Act (Batas sa Malinis na Hangin ng Washington).
State v. Cayo (Mason County District Court (Pandistritong Hukuman ng Mason County)) Nakakuha ang Washington ng hatol laban sa isang lalaking nagtambak at nagpabago sa daloy ng Tahuya River sa Mason County. Ang mga aksiyon ni G. Cayo ay nagdulot ng malaking pinsala sa mga tirahan at ligaw na buhay, kasama na ang mga nanganganib nang maubos na salmon at steelhead, na itinuturing na paglabag sa batas sa pagkontrol ng polusyon sa tubig at sa batas sa pangangasiwa ng dalampasigan. Tumanggap si G. Cayo ng hatol na pagkakabilanggo, nakasuspindeng pagkakabilanggo, at inutusan siyang magbigay ng bayad-pinsala upang panagutan ang pinsalang idinulot niya sa ilog.
State v. George Campbell and Broadband Environmental Service, Inc. (King County Superior Court (Kataas-taasang Hukuman ng King County)) Nakakuha ang Washington ng guilty plea sa mga kaso ng misdemeanor at felony dahil sa pinekeng datos sa kalidad ng tubig. Mula noong 2012-2014, pineke ni George Campbell at ng kompanya niyang Broadband Environmental Service, Inc. ang datos sa kalidad ng tubig sa mga ulat kaugnay ng ni-reclaim na tubig na ginamit sa mga pagsasanay para sa pagpuksa ng sunog. Dahil sa pamemeke, ang kontaminadong tubig na hindi pasado sa mga pamantayan ng estado, pati na para sa fecal coliform, ay napabayaang madikit sa mga bumbero. Tumanggap si G. Campbell ng nakasuspindeng sentensiya ng pagkakabilanggo, dalawang taon ng probasyon, at inutusan siyang magbigay ng mga bayad-pinsala at multa.
State v. Ryan Lewis and Cleaner Pressure Washing, LLC (Pierce County Superior Court (Kataas-taasang Hukuman ng Pierce County)) Nakakuha ang Washington ng guilty plea mula sa isang indibidwal at kompanya na kinasuhan ng pag-defraud ng pampublikong utility, labag sa batas na pagpapakawala ng mapapanganib na substance, at reckless endangerment. Nagmula ang mga kaso sa pagpapatakbo ng serbisyo ng paglilinis ng truck na Cleaner Pressure Washing, LLC, ng may-ari nitong si Ryan Lewis. Nagpakawala ang negosyo ni G. Lewis ng napaka-acidic na basurang tubig na puno ng zinc mula sa pag-aaring lugar at sa ilegal na daluyan patungo sa linya ng imburnal. Nalaglag din ang isang manggagawa sa isang bukas na catch basin na puno ng hydrofluoric acid. Guilty ang plea ni G. Lewis at ng kompanya niya sa mga paglabag sa batas sa pagkontrol ng polusyon sa tubig at sa batas sa pangangasiwa ng mapanganib na basura, at tumanggap siya ng nakasuspindeng pagkakabilanggo, multa, at utos sa pagbabayad-pinsala.
State v. Rooney (Snohomish County Superior Court (Kataas-taasang Hukuman ng Snohomish County)) Sa unang kasong natapos sa ilalim ng Washington Animal Trafficking Act (Batas sa Pagtatrapiko ng Hayop ng Washington), na pinagtibay ayon sa inisyatiba noong 2015, nakakuha ang Washington ng hatol ayon sa guilty plea sa isang kaso ng felony, kung saan nagbenta ang nasasakdal ng mga bagay na gawa sa ivory ng mga nanganganib nang elepante. Nasentensiyahan ang nasasakdal ng 15 araw na pagkakabilanggo, 30 araw na elektronikong pagbabantay sa bahay, $10,000 na multa, at $4,000 na danyos para sa krimen sa ligaw na buhay na ibinayad sa Department of Fish & Wildlife (Kagawaran ng Isda at Ligaw na Buhay) ng estado bilang pantulong na pondo sa mga gagawing pagpapatupad sa hinaharap. Bukod pa sa mga bagay na ibinenta ng nasasakdal sa mga detective ng Fish & Wildlife na kumpirmado sa genetic testing na naglalaman nga ng ivory, isinuko rin ng nasasakdal ang mahigit 1,500 bagay na katulad nito na nahanap sa bahay niya.
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kasong ito i-click ito.
State v. Pillon (King County Superior Court (Kataas-taasang Hukuman ng King County)) Nakakuha ang Washington ng hatol na guilty sa paglilitis sa isang count ng felony sa Paglabag sa Hazardous Waste Management Act (Batas sa Pangangasiwa ng Mapanganib na Basura), isang count ng felony sa Paninira ng mga Sasakyan nang Walang Lisensiya, at isang count ng gross misdemeanor sa Labag sa Batas na Pagtatapon ng Basura. Ilegal na nagtapon ang nasasakdal ng basurang pambahay, pang-industriya, at pangkonstruksiyon sa malaking parte ng pag-aaring lupaing may sukat na 10 akre, sa lugar na may taas na limang palapag. Kasama sa basura ang dose-dosenang sirang sasakyan—gaya ng mga truck ng bumbero, bus, at bangka— daan-daang gulong, at walang markang lalagyan ng kemikal na kasing dami ng 55 galon kada isa. Senentensiyahan ang nasasakdal ng 30 araw na pagkakabilanggo, $15,000 na multa, at ginawan ng pagtatasa na $3.8 milyong bayarin para sa paglilinis ng basura.
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kasong ito i-click ito.