Nagbibigay ang batas ng Washington ng mga partikular na proteksyon sa mga karapatang sibil para sa mga empleyadong buntis. Nalalapat ang mga proteksyong ito sa pagbubuntis at kondisyon sa kalusugang may kaugnayan sa pagbubuntis ng empleyado, kabilang na ang kondisyon ng kalusugan habang nagbubuntis at pagkatapos ng kapanganakan ng bata, tulad ng pangangailangang magpasuso o maglabas ng gatas. Kung nagtatrabaho ang isang empleyadong buntis para sa employer na may 15 empleyado o higit pa, kinakailangang magbigay ang employer ng mga sumusunod na makatuwirang akomodasyon sa empleyado:
- Pagbibigay ng mga madalas, mas mahaba, o flexible na pagpunta sa banyo;
- Pagbabago ng patakaran ukol sa pagbabawal na kumain o uminom;
- Pagbibigay ng upuan o pagpapahintulot sa mas madalas na pag-upo ng empleyado; at
- Pagtanggi sa pagbubuhat nang higit pa sa 17 libra o pound (7.7 kilogramo).
Bilang karagdagan, maaaring magkaroon ng mga karapatan ang mga empleyadong buntis sa ibang (mga) akomodasyon sa lugar ng trabaho, hangga't wala itong makabuluhang kahirapan o gastos sa employer. Ang mga ito ay:
- Muling pagsasaayos ng trabaho, kabilang ang pagbabago ng iskedyul ng trabaho, muling pagtatalaga ng trabaho, pagbabago ng istasyon ng trabaho, o pagbibigay ng kagamitan;
- Pagbibigay ng pansamantalang paglipat sa posisyong hindi gaanong nakakapagod o mapanganib;
- Pag-angkop ng iskedyul para sa mga pagbisita sa doktor bago manganak;
- Pagbibigay ng makatuwirang oras ng pahinga sa isang empleyado para makapaglabas ng gatas sa loob ng dalawang taon pagkatapos ng kapanganakan ng bata sa bawat oras na kailanganing maglabas ng gatas ang empleyado at pagbibigay ng pribadong lokasyon, maliban sa banyo, kung mayroong ganoong lokasyon sa lugar ng negosyo o trabaho, na maaaring gamitin ng empleyado para makapaglabas ng gatas. Kung walang espasyo ang lokasyon ng negosyo para sa empleyado para makapaglabas siya ng gatas, makikipag-ugnayan ang employer sa empleyado para matukoy ang maginhawang lokasyon at iskedyul ng trabaho para mapaunlakan ang kanilang mga pangangailangan; at
- Pagbibigay ng anumang karagdagang akomodasyong maaaring kailanganin ng empleyado.
Hindi maaaring humingi ang mga employer ng nakasulat na sertipikasyon mula sa isang propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan para sa mga akomodasyon sa 1–4 sa itaas. Maaaring humiling ang mga employer ng nakasulat na sertipikasyon mula sa isang propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan tungkol sa pangangailangan sa mga akomodasyon sa 5–9 sa itaas, o para sa mga paghihigpit sa pagbubuhat ng 17 libra o pound (7.7 kilogramo) o mas mababa pa.
Pinagbabawalan ang mga employer na gumanti laban sa mga empleyadong buntis na humihiling ng isa sa mga pagbabagong ito, itanggi ang mga pagkakataon sa trabaho sa mga kwalipikado sanang empleyadong buntis, o kailanganin ang pagliban o pag-leave sa trabaho ng mga empleyadong buntis kung mayroon namang alternatibo. Bilang karagdagan, maaaring magkaroon ang mga empleyadong buntis na may kapansanang may kaugnayan sa pagbubuntis ng mga karapatan bilang karagdagan sa mga nakalista rito.
Tumatanggap ang Civil Rights Division (Dibisyon sa Mga Karapatang Sibil) ng mga reklamo na nabigong mapaunkalan ng employer ang pagbubuntis ng empleyado. Maaari kang makipag-ugnayan sa amin sa pregnancy@atg.wa.gov o sa pamamagitan ng pag-iwan ng mensahe sa aming linya nang walang bayad sa (833) 660-4877. Maaari ka ring magpasa ng reklamo gamit ang aming online na form at babalikan ka ng miyembro ng aming tauhan.
Gabay Sa Mga Akomodasyon Sa Pagbubuntis Para Sa Mga Empleyado
Ang flyer ito na may isang pahina ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga tiyak na akomodasyong kinakailangan para sa mga manggagawang buntis sa ilalim ng batas ng estado ng Washington. Didinisensyo ang flyer para ipaalam sa parehong mga empleyado at employer ang kanilang mga karapatan at responsibilidad sa ilalim ng batas, at available ito sa Ingles at Espanyol.
Binabalangkas ng flyer kung ano ang mga batas sa akomodasyon sa pagbubuntis, mga karapatang mayroon ang mga empleyadong buntis sa lugar ng trabaho, aling mga gawi ang ipinagbabawal para sa mga employer, at kung paano makakapag-ulat ang mga empleyadong buntis ng mga paglabag sa akomodasyon sa pagbubuntis.