Noong 2018, ipinasa ng Lehislatura ang Washington Fair Chance Act (Batas sa Patas na Pagkakataon ng Washington), Revised Code of Washington (RCW, Inirebisang Kodigo ng Washington) kabanata 49.94, para maprotektahan ang mga aplikante sa trabaho na may kriminal na rekord para patas silang makipagkumpitensiya para sa mga pagkakataon sa trabaho kung saan kwalipikado sana sila. Sa layuning iyon, naglalaman ang batas ng mga sumusunod na pangangailangan:
Mga Advertisement ng Trabaho
Hindi maaaring mag-advertise ang mga sakop na employer ng mga pagbubukas ng trabaho sa paraang ibinubukod ang mga taong may mga kriminal na rekord sa panahong nag-a-apply sila. Ipinagbabawal ang mga ad na nagpapahayag ng “bawal ang mga kriminal,” “dapat walang kriminal na background,” o di kaya'y nagpapahayag ng parehong mensahe.
Mga Aplikasyon sa Trabaho
Hindi maaaring isama ng mga sakop na employer ang anumang katanungan sa aplikasyon sa trabahong naghahanap ng impormasyon tungkol sa kriminal na rekord ng aplikante.
Proseso ng Pagkuha sa Trabaho
Hindi maaaring gawin ng mga sakop na employer ang alinman sa mga sumusunod hanggang sa matapos ng employer ang paunang pagtukoy kung kwalipikado sana ang aplikante para sa posisyon:
- Magtanong nang pasalita o pasulat tungkol sa kriminal na rekord ng aplikante;
- Tumanggap ng impormasyon sa pamamagitan ng pagsusuri ng background ng kriminal na rekord;
- Kumuha ng impormasyon tungkol sa kriminal na rekord ng aplikante;
- Magpatupad ng mga patakaran o gawing awtomatiko o malinaw at direktang ibinubukod ang mga aplikante sa trabaho na may kriminal na rekord, kabilang na ang pagtanggi sa mga aplikante dahil sa pagkabigong ibunyag ang kriminal na rekord.
Mga Sakop na Employer
Kabilang sa mga sakop na employer ang mga pampublikong ahensiya, pribadong indibidwal, negosyo at korporasyon, kontratista, ahensiya sa pansamantalang paglalagay ng tauhan, programa sa pagsasanay at pagiging apprentice, at ahensiya sa paglalagay sa trabaho, pag-refer, at pagtatrabaho. Nalalapat ang batas sa lahat ng employer, anuman ang bilang ng manggagawang mayroon sila.
Hindi nalalapat ang batas na ito sa mga employer na tumatanggap ng sinumang magkakaroon o maaaring mayroong hindi binabantayang access sa mga bata, mahihinang nasa wastong gulang, o mahihinang tao; mga ahensiya sa pagpapatupad ng batas o hustisyang pangkrimen sa Washington; mga pinansyal na institusyon, pambansa o nakarehistrong entidad sa seguridad, o iba pang employer na pinapayagan o kinakailangan ng batas na magtanong at isaalang-alang ang impormasyon tungkol sa kriminal na rekord ng aplikante para sa mga layunin ng pagtatrabaho; o mga employer na naghahanap ng mga hindi empleyadong boluntaryo.
Proseso ng Reklamo
Tumatanggap ang Civil Rights Division (Dibisyon ng Mga Karapatang Sibil) ng mga reklamong gumagamit ang sakop na employer ng impormasyon sa kriminal na rekord para ibukod ang aplikante mula sa isang pagkakataon sa trabaho bago matukoy kung kwalipikado ang isang aplikante para sa trabaho. Maaari kang makipag-ugnayan sa amin sa fairchancejobs@atg.wa.gov o sa pamamagitan ng pag-iwan ng mensahe sa aming linya nang walang bayad sa (833) 660-4877. Maaari ka ring magsumite ng reklamo gamit ang aming online na form at babalikan ka ng miyembro ng aming tauhan.Maaaring maghain ng reklamo ang sinuman tungkol sa advertisement o gawi sa pagkuha sa trabahong lumalabag sa batas, hindi lang sa mga aplikante sa trabahong naaapektuhan ng mga gawing ito.