Marami pang dulugan ang magagamit sa wikang ito.
Bilang resulta ng lehislasyong ipinanukala ng Attorney General’s Office (Tanggapan ng Punong Abogado) at pinagtibay ng Lehislatura, 4 milyong Washingtonian ang kuwalipikado na para sa libre o may diskuwentong pangangalaga sa mga ospital sa buong estado ng Washington.
Mga link na madaling gamitin: |
Tinatayang kalahati ng lahat ng Washingtonian ang kuwalipikado para sa libre o pinamurang pangangalaga sa mga ospital sa estado ng Washington. Ang mga proteksiyong ito ay para sa mga gastusin sa ospital na binabayaran mula sa sariling bulsa, kasama na ang mga co-pay (pakikihati sa bayad) at deductible (ibinabawas), ano pa man ang katayuan sa insurance. Ibinibigay ng batas ng Washington ang pinakamatitibay na proteksiyon sa bansang ito para sa mga gastusin sa opsital na binabayaran mula sa sariling bulsa.
Sa bagong batas, lubos na dinaragdagan ang pagkuwalipika para sa mga gastusin sa ospital na binabayaran mula sa sariling bulsa, gaya ng mga co-pay at deductible, at pinalawak din ang pagkuwalipika para sa mga diskuwento. Noong wala pa ang bagong batas, ang isang single parent na may dalawang trabahong may minimum na sahod sa loob ng 50 oras kada linggo ay hindi kuwalipikado para sa tulong pinansiyal sa mga ospital sa Washington. Sa tulong ng bagong batas, nagbago na ito.
Tinitiyak ng batas na ang lahat ng Washingtonian na nasa 300 porsiyento ng pederal na antas ng kahirapan ay kuwalipikado para sa tulong pinansiyal sa mga singilin sa ospital na binabayaran mula sa sariling bulsa. Ang mga pamilyang bumubuo sa 400 porsiyento ng pederal na antas ng kahirapan ay maaaring kuwalipikado para sa tulong pinansiyal depende sa ospital. Nagtataguyod ang bagong batas ng dalawang tier ng tulong pinansiyal — isa para sa malalaking ospital at malalaking sistemta ng pangangalagang pangkalusugan (Tier 1), at isa naman para sa maliliit at independiyenteng ospital (Tier 2).
Tingnan ang chart sa ibaba upang alamin kung kuwalipikado ka o ang sinuman sa iyong pamilya. Ipinapakita sa chart ang mga antas ng kita na kuwalipikado para sa mga diskuwento sa mga Tier 1 at Tier 2 na ospital (mag-click dito para sa di-opisyal na listahan kung aling mga ospital ang nasa bawat tier):
Kalkulahin kung nasa anong porsiyento ng pederal na antas ng kahirapan ang iyong kita:
Taunang Kita:
Bilang ng Residente:
Ibinibigay lang ang chart at calculator para sa pagtatantiya. Konsultahin nang direkta ang iyong ospital upang alamin ang partikular mong pagkuwalipika. Kung sa tingin mo ay hindi sumusunod sa batas ang iyong ospital, maghain ng reklamo sa Attorney General sa https://www.atg.wa.gov/file-complaint
Mga Madalas Itanong
Ano ang “charity care (mapagkawanggawang pangangalaga)”?
Ayon sa batas sa charity care ng Washington, kailangang maglaan ng mga ospital ng tulong pinansiyal para sa mga pasyenteng may mababang kita bilang pantulong sa kanilang mga medikal na gastusing binabayaran mula sa sariling bulsa. Bilang paglilinaw, kasali rito ang mga taong may insurance, hindi lang ang mga walang insurance. Maraming tao ang humaharap sa malalaking gastusing binabayaran mula sa sariling bulsa kahit na may insurance sila, at tinutulungan ng ating batas sa charity care ang mga indibiduwal na iyon.
May minimum na edad bang kailangan?
Wala. Walang kailangang minimum o maximum na edad para sa pagkuwalipika. Kuwalipikado ang lahat ng Washingtonian.
Kailangan bang kasali ka sa Medicare o Medicaid para magamit ang charity care?
Hindi, angkop para sa charity care ang lahat ng Washingtonian, may pampublikong medikal na insurance man sila, pribadong medikal na insurance, o walang insurance. Saklaw ng charity care ang iyong mga gastusing binabayaran mula sa sariling bulsa, ano pa man ang katayuan mo sa insurance, at batay lang sa antas ng iyong kita.
Kailangan bang mamamayan ako ng Estados Unidos para mag-apply sa charity care?
Hindi, maaaring mag-apply ang lahat ng pasyente para sa charity care ano pa man ang kanilang katayuan sa imigrasyon.
Kapag tumanggap ako ng charity care, maaapektuhan ba ang pagkuwalipika ko para sa Social Security, Medicare, o Medicaid?
Hindi. Gagamitin ang charity care para sa bahagi ng iyong singilin sa ospital na binabayaran mo — tulad ng mga deductible at copay. Sasaklawin pa rin ng Medicaid at Medicare ang bahaging dapat sagutin ng mga ito, at pagkatapos ay gagamitin ang charity care sa kung ano'ng matitira na kailangang bayaran ng pasyente mula sa sariling bulsa.
Hindi ba ang Medicaid at/o Medicare ang nagbabayad ng lahat?
Hindi naman. Maaaring may mga gastusing babayaran mula sa sariling bulsa na kaugnay ng anumang pangangalaga sa ospital depende sa kung ano'ng saklaw. Ganoon din ang sitwasyon sa pribadong insurance.
Hindi ba para lang sa mga taong may napakababang kita ang ganitong uri ng tulong pinansiyal? Duda ako na kuwalipikado ako para sa “Charity.”
Ikagugulat mo. Mahal ang mga singilin sa ospital para sa lahat. Kaya naman, pinalawak ng bagong lehislasyong ito ang pagkuwalipika. Halimbawa, ang isang pamilyang may apat na miyembro na may kita ng sambahayan na hanggang $83,000 ay kuwalipikado para sa kahit diskuwento man lang sa bawat ospital sa estado. Sa pinakamalalaking ospital, kuwalipikado sila para sa mga gastusing binabayaran mula sa sariling bulsa. Sa pinakamalalaking ospital ng estado, ang mga pamilyang may apat na miyembro na kumikita ng hanggang $111,000 kada taon ay kuwalipikado para sa kahit diskuwento man lang sa kanilang mga gastusing binabayaran mula sa sariling bulsa.
Para lang ba sa pangangalaga sa ospital ang charity care? Paano ang pagpapatingin sa mga klinika?
Ang charity care ay para sa medikal na pangangalagang natatanggap sa ospital. Gayunpaman, minsan, pinapalawak ng mga ospital na may kaugnay na mga klinika ang kanilang patakaran sa charity care hanggang sa mga klinikang iyon. Ang pinakamabuting gawin ay magtanong palagi.
Saklaw ba nito ang pagpapatingin sa ER, x-ray, o pagpapagamot na outpatient na ginagawa sa ospital?
Ang charity care ay para sa medikal na pangangalagang natatanggap sa ospital. Kasama na rito ang pangangalaga sa emergency room sa ospital. Kasama rin dito ang anupamang ibang pag-scan, pagpapasuri, o pagpapagamot na ginagawa sa ospital. Maaaring hindi saklawin ng charity care ang mga singilin mula sa mga doktor o iba pang provider na hindi nagtatrabaho sa ospital.
Para lang ba sa mga singilin sa hinaharap ang charity care, o puwede rin ito sa dati nang mga singilin?
Saklaw ng pangangalagang pangkawanggawa ang mga bill para sa pangangalaga sa hinaharap at sa nakaraan. Walang kaso kung gaano na katagal ang mga bill, o kung naipasa na ang mga ito sa tagapagkolekta. Kung kalipikado ka, puwedeng saklawin ng pangangalagang pangkawanggawa ang iyong bill sa ospital.
Ano ang pinagkaiba ng “Tier 1” at “Tier 2”?
Ang malalaking panglungsod na ospital na kumakatawan sa 80 porsiyento ng mga kama sa ospital ay may sariling tier na may mas matatatag na diskuwento. Tinatawag natin ang ganitong mas malalaking ospital na Tier 1, at tinatayang 3 milyong Washingtonian ang magkaka-access sa libreng pangangalaga sa ospital sa mga Tier 1 na ospital, at 1 pang milyon ang magkaka-access naman sa pangangalagang may diskuwento. Ang mas maliliit na independiyenteng ospital at mga ospital sa probinsiya—na kumakatawan sa humigit-kumulang 20 porsiyento lang ng mga kama sa buong estado — ay nasa Tier 2, at nag-aalok ng bahagyang mas maliliit na diskuwento.
Noong inalagaan ako sa ospital, nakatanggap ako ng dalawang magkaibang bill — isa mula sa ospital, at isa mula sa doktor. Kuwalipikado ba ang parehong bill para sa tulong pinansiyal sa ilalim ng batas sa charity care?
Ang mga ospital lang ang inaatasang magbigay ng charity care. Hindi kinukuwalipika ng batas ang mga bill ng doktor. Gayunpaman, maraming ospital ang nag-aatas sa mga doktor na nagtatrabaho sa kanilang mga ospital na tuparin din ang kanilang mga patakaran sa charity care. Alamin sa iyong ospital kung ganoon ang ginagawa nito.
Paano kung may pag-aari akong bahay, o may mga account ako para sa pagreretiro. Madidiskuwalipika ba ako dahil sa mga ganitong uri ng ari-arian?
Ang pinakamahalaga, hindi maaaring isaalang-alang ng mga ospital ang pagmamay-ari mo sa iyong pangunahing tirahan, o ang halaga nito, kapag tinatasa ang pagkuwalipika para sa charity care, kaya walang epekto sa charity care ang pagmamay-ari ng personal na bahay. Maaaring isaalang-alang ng mga ospital ang ilang ari-arian sa pagtatasa ng pagkuwalipika, ngunit mataas ang mga threshold at ang karamihan ng consumer na may kuwalipikadong kita para sa charity care ay hindi maaaring hindi isali batay sa kanilang mga ari-arian.
Saklaw ba ng charity care ang pangangalaga para sa mga kondisyon tulad ng Alzheimer's?
Ang charity care ay para sa medikal na pangangalagang natatanggap sa ospital. Ang pagkuwalipika ay hindi tinutukoy batay sa mga partikular na medikal na kondisyon. Gayunpaman, minsan, pinapalawak ng mga ospital na may kaugnay na mga klinika ang kanilang patakaran sa charity care hanggang sa mga klinikang iyon. Ang pinakamabuting gawin ay magtanong palagi.
Magkakaroon ba ng mga problemang pinansiyal ang mga ospital dahil sa mga pinataas na diskuwentong ito?
Nagpasa rin ang Oregon ng katulad na pagpapalawak sa charity care noong 2019. Nakipag-usap ang aming legal team sa Awtoridad sa Kalusugan ng Oregon. Iniulat nila na wala silang nakitang anumang ebidensiya na ang mga pangangailangan nila sa charity care ay nagdudulot ng mga problemang pinansiyal sa mga ospital. Dapat din nating linawin na ang pinag-uusapan natin dito ay mga medikal na gastusing binabayaran mula sa sariling bulsa, hindi ang buong medikal na bill ng pasyente, sa karamihan ng sitwasyon. Makakatanggap pa rin ang mga ospital ng bayad mula sa insurance sa kalusugan o Medicaid ng pasyente.
Paano malalaman ng pasyente kung kuwalipikado siya para sa tulong pinansiyal sa ilalim ng batas sa charity care ng Washington?
Mabibigyan ka ng ideya ng calculator sa itaas kung posibleng kuwalipikado ka, pero ang simpleng sagot ay tanungin na lang ang iyong ospital. Bagamat hindi naman ito kailangang gawin ng mga pasyente. Sa ilalim ng batas ng estado, inaatasan ang mga ospital na magbigay ng paunawa tungkol sa pagkakaroon ng charity care para sa mga pasyente nang verbal at nakasulat, at i-screen ang mga pasyente kung kuwalipikado sila para sa charity care bago subukang mangolekta ng bayad mula sa kanila para sa mga gastusing binabayaran nila mula sa sariling bulsa.
Paano kung mayroon akong mga anak na nasa hustong gulang, o iba pang miyembro ng pamilya na nasa hustong gulang na nakatira kasama ko sa iisang sambahayan? Paano inaalam ang pagkuwalipika namin?
Ayon sa mga regulasyon ng charity care, tinutukoy ang isang pamilya bilang “grupo ng dalawa o higit pang taong magkakaugnay sa pamamagitan ng pagsilang, pagpapakasal, o pag-ampon na magkakasamang naninirahan.” Ibig sabihin, ang mga kita ng mga miyembro ng pamilya na nasa hustong gulang na magkakasamang naninirahan ay maaaring isaalang-alang sa isang aplikasyon para sa charity care. Palaging tiyakin na ipapaliwanag mo ang iyong indibiduwal na sitwasyon sa ospital sa aplikasyon mo para sa charity care dahil maaaring gumawa ng mga eksepsiyon ang mga ospital batay sa mga indibiduwal na kalagayan.
Ano ang mangyayari kung hindi susundin ng mga ospital ang batas sa charity care ng estado?
Gusto naming ipaalam sa amin ng mga tao kung nagkakaproblema sila. Mayroon kaming team ng mga abogado na nagbabantay sa isyung ito, at nagsampa ako ng maraming demanda laban sa mga ospital dahil sa pagkabigong tiyakin na ang mga kuwalipikadong Washingtonian na may mababang kita ay nakakatanggap ng mga diskuwento na karapat-dapat nilang matanggap ayon sa batas. Handa kaming umaksiyon kung hindi tinutupad ng mga ospital ang kanilang mga obligasyon. Kung sa tingin mo ay hindi sumusunod sa batas ang iyong ospital, maghain ng reklamo sa amin sa https://www.atg.wa.gov/file-complaint
Gaano katagal nang inaatasan ng Washington ang mga ospital na magbigay ng tulong pinansiyal?
Ang orihinal na lehislasyon sa charity care ng Washington ay ipinasa noong 1989, kaya mayroon nang ganitong tulong para sa mga pasyente ng Washington sa loob ng mahigit tatlong dekada.
Seryosong isyu ang pagkakaroon ng medikal na utang para sa maraming American, hindi ba?
Talaga. Sa buong bansa, humigit-kumulang two-thirds ng mga indibiduwal na naghahain ng pagkalugi ang nagbanggit na mga isyung medikal ang pangunahing dahilan nito, at mahigit kalahati ng mga kinolektang item sa mga ulat ng kredito ay para sa mga medikal na utang. Ang access sa pangangalaga ay isa ring isyu sa pagkakapantay-pantay. Ang mga komunidad na may kulay ay walang sapat na insurance sa paraang hindi balanse, at madali silang maapektuhan ng malalaki at di-inaasahang medikal na gastos.